Pagtutulay sa Mga Dantaon

PAGTUTULAY SA MGA DANTAON: PAGSASA-FILIPINO ng DIALOGO ni SANTA CATALINA ng SIENA

ni Jules Philip V. Hernando, MA

Pagsasalin ang gawaing ito sa wikang Filipino ng Dialogo, ang tanging aklat sa mga obra ni Santa Catalina ng Siena, isang laiko at ang ikalawang babaeng Pantas ng Santa Iglesya, mula sa pagsasalin nito sa wikang Ingles ni Suzanne Noffke, O.P.[1]   Layon nito na ipakilala nang higit na malalim sa mga Kristiyanong Pilipino, lalo na sa mga laiko, si Santa Catalina at ang kanyang mga aral at turo, at magbigay sa kanila ng inspirasyon nang patuloy nilang isabuhay at pagmuni-munihan ang kanilang pananampalataya katulad ng naging gawi ng dakilang babaeng ito.

Konteksto ng Gawain

Isang masayang pangyayari sa kasaysayan ng Santa Iglesya sa kasalukuyang panahon ang bumuhay sa interes ng tagasaling ito na tingnan at detalyadong pag-aralan ang buhay at mga aral ni Santa Catalina ng Siena at sa huli ay magdesisyong isalin ang kanyang tanging aklat, Ang Dialogo.  Noong ika-19 ng Oktubre, 1997, itinanghal ng dating Santo Papa, Juan Pablo II bilang Pantas ng Santa Iglesya si Santa Teresita ng Lisieux.[2]  Ika-33 sa 36 na Pantas ng Iglesya ang “Santa ng mga Rosas” at sa tatlumpu’t anim na ito ay siya ang nabuhay nang pinakamalapit sa ating panahon.[3]

Taong 1970 nang huling nagdagdag ang Santo Papa, na noon ay si Pablo VI ng mga pangalan sa listahan ng mga Pantas.[4]  Sina Santa Teresa ng Avila at si Santa Catalina ng Siena ang mga ito.  Tatlong magkakasunod na babae bilang mga Pantas.[5]  Hindi tuloy maiiwasang mapuna ang pagiging balintuna ng lagay ng mga pangyayari kung tatantuin na noon lamang taong 1967, tatlong taon bago ang pagkilala sa dalawang santa, ay hinulaan ng unang edisyon ng New Catholic Encyclopedia na tila

 “. . . sa lalong madaling panahon ay walang maitatalagang babae bilang Pantas ng Santa Iglesya dahil sa ugnayan sa pagitan ng titulong ito at ng kapangyarihang magturo (teaching office) na sa Iglesya ay limitado [nga lamang daw] sa mga kalalakihan.”[6]

May dalawampung obispo sa talaan ng mga Pantas ng Iglesya.[7]  Subalit sa katotohanan na mayroong labindalawang pari at isang diyakono sa talaang ito ay makikitang iba ang ibig ipakahulugan ng Inang Simbahan sa bukod tanging anyo ng karisma ng pagtuturo ng mga Pantas at sa itinakdang gampanin ng pagtuturo ng mga obispo.[8]  At maidadagdag pa dito na sa pagtatalaga ng apat na babaeng Pantas, at kung ganoon ay mga laiko, mapupuna na hiwalay sa anumang anyo ng ordinasyon ang pagtuturo na binibigyang pugay ng Iglesya sa mga Pantas.[9]

Sa panahong ito pagkatapos ng Ikalawang Konsilyo ng Vaticano na nagpanariwa sa pagkilala ng ating Iglesya sa kadakilaan ng pagiging laiko,[10] partikular na ng mga kababaihan,[11] nakita ng tagasaling ito ang kaangkupan na bigyan ng puwang sa ating katutubong wika ang buhay at aral ng isa man lamang sa tatlong santang nabanggit.  Sa ngayon ay apat na babaeing pantas, si Santa Catalina ng Siena ang ikalawang nabuhay at gumalaw sa higit na malaking larangan sa buhay at kasaysayan ng Inang Simbahan.[12]

Ang Pagsasalin

Mga Paninindigan sa Pagsasalin

Una sa lahat, nakikiisa ang kasalukuyang tagasalin sa paninindigan ng mga awtor ng aklat na Patnubay sa Pagsasalin ukol sa kahalagahan ng pagsasalin sa ating kasalukuyang panahon.  Hindi “isang hamak at parasitikong gawain” anila ang pagsasalin, sapagkat “sa kasalukuyang panahon ng komunikasyong pandaigdig, napakahalaga ng pagsasalin para sa mabilisan at wastong pagpapaabot ng isang mensahe tungo sa iba’t ibang dako ng mundo.”  Ang pagsasalin din daw ay “isang pagliligtas” sapagkat “sa salin ay nagkakaroon ng higit na mahabang buhay ang orihinal (sa kaso ng luma’t nakalimutan nang dokumento) dili kaya’y nakararating sa higit na malaking lipunan ng mambabasa (sa kaso ng mula sa isang wikang may limitadong tagapagsalita.)”[13]

Sa proseso ng mismong pagsasalin ay hindi rin nawala sa isip ng tagasalin ang ilan sa mga kaisipan ng aklat na:  (1) Ang mensahe o kaisipan ng orihinal na akda (ang nasa “simulaang lengguwahe”) ang hinuhuli ng tagasalin upang mailipat sa tumatanggap na wika (o “tunguhang lengguwahe”).  (2) Subalit ang gawin ito ay masalimuot dahil sa katotohanan na “walang wika na may sapat na salita para ipahayag ang lahat ng salimuot ng takbo ng isip at damdamin.”  Ang dahilan nito ay ang katotohanan na “may iba’t ibang antas ang mga wika, sang-ayon sa bilang ng mga salita para itumbas sa mga realidad ng buhay at mundo ng tao,” bukod pa sa “may iba’t-ibang antas din ang mga wika, sang-ayon sa kalidad ng tunog at yaman ng kahulugan.”  Kaya nga, tanto ng tagasaling ito na “imposible ang gawaing ihanap ng eksaktong tumbasan ang alinmang dalawang wika,” na sa pagkakataong ito ay sa pagitan ng wikang Ingles at Filipino.  (3) Dapat na “limiing mabuti ng tagasalin ang sitwasyon ng bawat salita sa teksto at ang gamit nito bago ihanap ng katumbas.”  Dito kasi matutuklasan ng tagasalin “bukod sa pagkakahawig ng mga salita, ang pinong-pinong pagkakaiba ng kahulugan ng mga salita” o ang tinatawag na nuance sa wikang Pranses at Ingles.  (4) Hindi rin pagtatapat-tapat lamang ng salita sa salita ng dalawang wika ang pagsasalin.  Bukod sa mga salita, “kailangang isalin ang balangkas ng isang parirala, o ng isang sugnay, o ng isang pangungusap.”  At ang gawaing ito ay, gaya ng tinuran ni Eugene Nida, “dapat tupdin sa ‘pinakamalapit na natural na katumbas’ ng simulaang wika.”  Sa sinabing ito ni Nida, ang diin ay nasa salitang natural, sapagkat nangyayari na “hindi lahat ng ‘pinakamalapit na katumbas’ ng orihinal ay ‘natural’ sa tumatanggap na wika.”[14]

Ang Proseso

            Upang maisakatuparan ang mga kahilingan ng Patnubay sa Pagsasalin ukol sa mainam na pagsasa-Filipino ay isinagawa ang mga sumusunod na hakbang.  Una, nagsaliksik nang mabuti ang may-akda ukol sa kanyang tekstong isasalin at sa buhay ng sumulat dito.  Hindi lamang ang mga pag-aaral ng mga kritiko ukol sa mismong Dialogo ang binasa bagkus ay sinuyod din ang kanilang naging pagtalakay ukol sa mga diwa at aral ni Santa Catalina ng Siena.  Sa ganitong paraan ay nagkaroon ng idea ang tagasalin ukol sa mga kaisipan ng Santa na maaari niyang maengkwentro sa pagsasalin ng aklat.  Inuna nang tingnan ang teksto ng homiliya sa pagtatalaga kay Catalina bilang isang Pantas ng Iglesya.[15]

Mga Pinatutungkulang Mambabasa

Pinili ang mga Pilipinong laiko bilang mga pinatutungkulang mambabasa (target users) ng akda.  Sa palagay ng manunulat na ito, magiging limitado ang audience o mambabasa ng obra kung mas pinili ang mga kleriko at relihiyoso lamang.  Isa pa ay isang laiko si Santa Catalina ng Siena at nang isulat niya ang kanyang akda ay hindi lamang mga pari, hermano at madre ang kanyang pinaglaanan nito bagkus ay ang lahat ng kanyang mga nakaniig sa kanyang buhay.[16]   Kaalinsabay ng desisyon ng pagpili sa mga laiko bilang pinatutungkulang mambabasa ay ang pag-aangkop para sa kanila ng lengguwahe ng salin at iba pang konsiderasyon.

Paraan ng Pagsasalin

Pagkatapos ng pananaliksik ukol kay Santa Catalina at sa teksto ng Dialogo at pagpili ng patutungkulang mambabasa ay pinagdesisyunan na Semantikong Salin ang gamitin bilang paraan ng pagsasalin sa teksto.  Sa Semantikong Salin ay “kung hindi man . . . siyento porsiyentong ‘tapat’ sa orihinal, naroon naman ang pakikiisang-damdamin sa orihinal batay sa sariling pakiramdam.”[17]  Hinanap, kung gayon, ang pagbabalanse sa pagitan ng katapatan sa diwa ni Santa Catalina ng Siena sa isang banda na nasasaad sa salin ni Noffke at ang mabisang pag-unawa naman ng mambabasa sa teksto sa kabilang banda.  Kaya nga, naging matapat na “kaluluwa” at hindi “espiritu” ang naging salin ng “soul” bagama’t tinatanggap ang huli bilang salin sa Filipino ng naturang banyagang salita.  Ang “espiritu” ay inukol na lamang na pantapat sa salitang “spirit.”  Gayundin ang nangyari sa salitang “puso,” na pagsasalin ng salitang “heart.”

            Sa aktuwal na pagsasalin ay binasa ang buong akda at saka kaba-kabanata itong isinalin.  Ibig sabihin ay hindi trinabaho ang aklat nang buong-buo sa isang matagalang upuan.  Ito ang sinunod na proseso dahil sa haba na rin ng tekstong isasalin, kasama na ng naging unti-unti ang pagsasalin sa teksto dahil sa dami ng mga pinagkakaabalahan ng tagasaling ito, gaya ng pagtuturo at iba pang gawaing pampaaralan.  Dumaan sa bale limang burador ang gawain.  Matapos ang unang dalawa ay saka pa lamang ito ipinakita sa unang naging tagapayo ng gawaing ito na si P. Jose Mario Francisco, S.J.   Pinuna niya ang kahabaan at kasalimuotan ng mga pangungusap sa kanyang nabasang burador.  Kinakailangan, sabi niya, na hati-hatiin ang diwa ng mga pangungusap sa orihinal upang mabigyan ng daan ang pagkakaintindi ng pinatutungkulang gagamit ng pagsasalin, ang mga nakararaming Kristiyanong Filipino.  Bagama’t mas matapat sana sa estilo ng pagsusulat ni Santa Catalina ang panatilihin ang haba ng mga pangungusap ng Dialogo,[18] naunawaan naman ng tagasaling ito na maaaring maging mas lubhang mahirap kundi man imposibleng basahin ng ilang mga laiko ang teksto kung hindi susundin ang naturang payo.

Ang ginamit na solusyon ay ang tukuyin ang simuno ng isang pangungusap ni Santa Catalina at ulitin ito sa inihiwalay na bahagi ng orihinal na pangungusap.  Nang matapos ito ay ipinasa ang ikatlong burador kay P. Francisco.  Sa pagbabalik niyang muli ng natapos na isalin ay wala nang binanggit pang komentaryo sa aktuwal na salin ang naturang tagapayo, bagkus ang naging tuon ng mga payo niya ay nasa larangan na ng pagtatanggol sa prosesong sinunod.  Dahil dito ay gumawa na ng huling kopya ang tagasalin at kay P. Miguel Lambino, S.J. na ito pumunta nang tinanggap niya ang pagiging ikalawang mentor ng gawaing ito.

Mga Parirala at Kataga

Iningatan na maging consistent ang pagbibigay ng katapat na kahulugan sa mga salita at parirala.  Ginawa ito sa pamamagitan ng paglikha ng isang listahan ng mga ginamit na pagsasalin sa mga salita at parirala.  Kaugnay nito, mailalarawan na sa paghahanap ng katumbas sa mga kataga ay naging konserbatibo at hindi makabago ang pagsasalin.  Ibig sabihin ay hangga’t maaari ay dati nang mga salita sa korpus ng wikang pambansa ang ginamit.  Iniwasan ang mga bagong hiram na salita sa Espanyol man o sa Ingles pati na ang nakagawiang pagbabago sa baybay ng hiram na salita ngunit pagpapanatili sa tunog nito.

Naniniwala ang tagasalin na hangga’t may maibibigay na mga kataga ang kasalukuyang wikang pambansa ay hindi dapat ugaliin ang panghihiram ng mga salitang banyaga.  Kung baga, hangga’t ginagamit pa ang isang salita sa loob ng silid-aralan, sa pang-araw-araw na pakikipanayam sa kapwa-tao, sa mga opisina, simbahan at media ay maaaring itong gamitin sa gawaing ito.  Bukod pa dito, lubhang mahirap maintindihan ang marami sa mga katagang pilosopikal at teolohikal na hiniram sa Ingles at binaybay sa tuntuning Filipino.  Halimbawa ay piniling gamitin ang “pag-iral” at “umiral” bilang salin ng “existence” at “to exist” kaysa sa “eksistensiya” at “mag-eksistensiya” bagama’t ginagamit na rin naman sa mga akademikong talakayan.  Kapag hindi na lamang sumapat ang mga nakagawian nang gamiting kataga, magiging awkward ang pagsasalin o kaya naman ay talagang pigang-piga na sa kaiisip, pagtatanong-tanong at kasasaliksik subalit wala pa ring maisip na salin ay saka pa lamang humiram.  Subalit maging dito ay isinaalang-alang ang mga pinatutungkulang mambabasa sapagkat hindi gumamit ang tagasalin ng mga terminong hindi pa niya naririnig gamitin sa mga talakayang gumagamit ng Filipino o nagagamit kaya mismo sa pagkikipagtalastasan sa kanyang mga guro, kamag-aral, kaibigan, kamag-anak at mga estudyante.  Ilang halimbawa nito ay ang mga salitang “aspekto” para sa “aspect,” “aksyon” para sa “action,” at “merito” na pagsasalin ng “merit.”

Sumandig din ang gawain sa paggamit ng mga tumbasang di-literal o pagsasaling-diwa na tinatawag na “pagbuo ng larawang parirala.”[19]  Nangangahulugan ang katagang ito na tinatapatan ng isang termino sa tunguhang lengguwahe (Filipino) ang isang salita sa simulaang lengguwahe (Ingles) “pagkatapos tuklasin ang kahulugan ng salita sa simulaang lengguwahe.”  Bunga ng prosesong ito ang pagsasalin sa “cell of self-knowledge” bilang “silid ng pagkilala-sa-sarili,” sa “vice” bilang “masasamang gawi” sa halip na “bisyo,” at sa “virtue” bilang “maka-Diyos na kahusayan” sa halip na “makalangit na katangian,” “kabutihang asal, ” “pagkamakatao,” o “birtud.”

Silid ng pagkilala-sa-sarili.  Sentral na mga ideya at kataga ang mga katatapos banggitin sa Dialogo.  Isa sa mga katangiang dapat taglayin ng isang alagad ni Kristo ay ang pagkakaroon ng at pananatili sa “silid ng pagkilala-sa-sarili.”  Ito ay ang kanyang dapat maging kanlungan.  Hindi isinalin na “selda” ang “cell,” sapagkat hindi kulungan ang “silid” na tinutukoy ni Santa Catalina.  Dito pa nga nakatatagpo ng tunay na kalayaan ang isang alagad dahil ito ay ang kanyang uwian sa gitna ng mundo.  Hindi rin isinalin bilang “kaalaman-ukol-sa sarili” ang “self-knowledge.”  Isa kasi itong uri ng pagkatanto ukol sa tunay na kalikas«n o natura ng sarili sa harap ng kalikasán ng Diyos at ang pagkatantong ito ay hindi limitado sa pang-isipang pagkakaalam lamang. 

Masamang gawi.  Samantala, “bisyo” at “birtud” sana ang mga salitang dapat itumbas sa “vice” at “virtue.”  Subalit ang pagpapakahulugang ibinibigay ngayon sa mga ito ay hindi na sapat upang sakupin pa nila ang diwa ng pagkakagamit sa mga ito ni Santa Catalina.  Sa pang-araw-araw kasing gamit, ang “bisyo” ay nangangahulugan na lamang na isang gawaing nakamihasnan na at hindi matanggal-tanggal sa isang tao na karaniwang itinuturing na masama dahil hindi tanggap ng lipunan.  Sa pakahulugan ni Catalina ay anumang bagay na nakapaghihiwalay sa tao sa Diyos ang “vice” at kung gayon ay hindi lamang ito paninigarilyo, labis na pag-inom, pagsusugal, pambababae, o panlalalaki.

Maka-Diyos na kahusayan.  Ang “birtud” naman ay nailipat na ang paggamit sa larangan ng kababalaghan, mahika at hiwaga.[20]  Mas ginagamit na ito patungkol sa mga bagay na may tagong kapangyarihan kaysa kalagayan ng kalooban.  Isinantabi naman ang mungkahing “pagkamakatao” ni P. Dionisio M. Miranda, S.V.D. dahil sa mga estetikong kadahilanan.[21]

Hindi rin makasapat ang “kabutihang asal” ng Katesismo Para sa Mga Pilipinong Kristiyano[22] bilang pantumbas sa “virtue.”  Una, ay masyadong malaki ang sakop na kahulugan ng salitang “kabutihan.”  Ikalawa ay hindi lamang asal o ugali ang diwa ng gamit sa “virtue” ni Santa Catalina.  Bagkus ang naturang kataga ay ipinantutukoy ng Santa sa mga katangian ng tao na sumasalamin sa katotohanan na ang Diyos ay nasasakanya at siya ay nasasa-Diyos.  Dala ng kadahupang ito na mahuli ng mga tinatanggap na salin ang diwa ng “virtue” ay minabuti ng tagasaling ito na bumuo siya ng bagong kataga gamit ang larawang parirala.[23] 

Base sa pakahulugan ni Santa Catalina sa naturang salita ay naunang napili ang “makalangit na katangian” bilang panumbas.  Sa paningin ng tagasaling ito, maaaring magtila mababaw ang diwa ng parirala at hindi mahuli ang kaisipan ng orihinal na salitang “virtue,” dahil “katangian” lamang ito na ipinantutumbas sa salitang “characteristic” sa Ingles; pambalat lamang at hindi umaabot sa bawat himaymay ng tao.  Subalit, hindi ganito ang paninindigan ng tagasalin tungkol sa salitang “katangian.”  Ang “katangian” para sa Filipino ay salamin din ng kalooban.  Halimbawa na lamang ay kapag inisa-isa ang listahan ng “katangian” ng isang tao ay nasasama ang lahat-lahat niya, panlabas man at panloob, hanggang sa kaibuturan ng kanyang pagkatao, walang maihihiwalay.  Bukod pa dito, sa paningin ng tagasalin ay ang kakabit nitong salitang “makalangit” ang inaasahang magbibigay ng angkop na lalim at bigat dito.

Tanggap na sana ang naunang salin sapagkat maipagtatanggol naman at sa aspektong estetikal din naman ay pasado kung hindi umentra sa eksena ang katagang “maka-Diyos na kahusayan.”  Nakarating ang tagasaling ito sa katagang yaon sa pamamagitan ng pangungulit ng kanyang ikalawang tagapayo sa kakulangan ng naunang napiling pagsasalin ng “virtue.”  Subalit ang kumumbinsi sa kasalukuyang manunulat ay ang pagpapaliwanag na ang pinatutungkulan ng “virtue” ay ang “mga hindi matitinag na katangian (stable dispositions) ng kalooban ng tao na nakatuon sa mabubuting gawa.”[24] At ang pagkakamit nito ay pinagsisikapan ng tao, katulad nang ang galing sa sports ay pinagsusumikapan din niya, sa gabay at tulong ng Diyos.  At ang tawag natin sa mga kagalingan ay hindi nga ba at mga kahusayan?   Mga kahusayang pangkalooban ito at hindi pangkatawan lamang; maka-Diyos at hindi pandaigdig.  Kaya nga sa pagsasaling ito, “maka-Diyos na kahusayan” o “kahusayang maka-Diyos” ang naging pantumbas sa katagang “virtue” at kung ididikta ng estetika ay gagamitin na lamang ang salitang “maka-Diyos” o “kahusayan.”

Pag-ibig at pagmamahal.  Madalas ding gamitin ang mga salitang “love” at “charity” sa Dialogo na nasa wikang Ingles.  Pagsasalin ito ni Suzanne Noffke sa mga salitang Italyano na “amore” at “carita” na ang paggamit ay pinagpapalit-palit ni Santa Catalina sa kanyang aklat kung kaya’t maaaring walang pagkakaiba ang kahulugan nito para sa Santa.[25]   Pinili ng may-akdang ito na maging tapat sa ginawa ni Noffke sa pamamagitan ng pagsasalin nang consistent sa “love” bilang “pag-ibig” at “pagmamahal” para sa “charity” dahil para din naman sa mga Filipino ay walang pagkakaiba ang kahulugan ng dalawang salita.

Mga pangalan.  Sa pagsasalin naman ng mga pangalan ay sinunod ang mga nakagawian nang baybay ng mga ito sa Filipino sa halip na sundin ang makabago ngunit hindi pa gamiting paraan.  Halimbawa isinalin ang “Jesus Christ” bilang “Hesukristo” at hindi “Jesukristo,”  ang “John” bilang “Juan” at hindi “Huwan,” “Jerome” bilang “Geronimo” imbes na “Jeronimo” at ang “Dominic” bilang “Domingo” at hindi “Dominiko.”

Mga alusyong biblikal.  Samantala, madalas din ang paggamit ni Santa Catalina ng mga biblikal na alusyon.  Para kay Noffke, tanging minemorya o kinabisa ang pinagbatayan ng Santa ng mga ginamit niyang biblikal na linya, parirala, at pangungusap sa kanyang aklat.  Nakarating sa konklusyong ito si Noffke dahil sa napansin niyang mahigpit na pagkakatali ng mga ito sa diwa ni Catalina.  Kaya nga, para sa pagsasalin ng mga ito ay hindi na rin gumamit ang kasalukuyang tagasalin ng anumang edisyon sa Filipino ng bibliya at sa halip ay isinalin ang diwa ng pagkakagamit sa mga ito ni Santa Catalina, sunod sa pamantayan ni Suzanne Noffke.[26]  Ginamit na lamang ang isang bibliya upang masiguro na hindi lumayo sa Filipinong diwa ang pagsasalin.[27]

Ilan Pang Talá

            Siya, kanya, at niya. Isang suliranin na kinaharap sa gawaing ito ay ang pagsasalin sa iba’t ibang anyo ng third person personal pronouns na “he” at “she” sa Ingles.  Ang panlalaki na “he” ay panghalip sa mga katagang Diyos Ama, Hesukristo, mga santo at sa iba pang mga lalaking tinukoy sa Dialogo, gaya ng mga pari.  Ang “she” ay pantukoy ni Santa Catalina sa kanyang sarili, na kung kanyang patutungkulan sa aklat ay laging sa ikatlong panauhan,[28] sa mga santa at sa iba pang mga kababaihan.  Sa Filipino ay isang variation lamang ang salin ng mga ito: siya, kanya, at niya.   Dito nagkakaroon ng kahirapan.  Sa isang pangungusap kasi ay maaaring paulit-ulit na lumabas ang “siya” na malinaw na panghalip na panlalaki at pambabae sa orihinal na lengguwahe.  Kung hindi gagawan ng paraan ay magdudulot ito ng kalituhan.  Kanino na tumutukoy ang panghalip?  Bilang solusyon sa suliranin ay ginawang malaking letra ang unang titik sa mga panghalip na tumutukoy sa Diyos Ama o kay Hesukristo.  Kaya nga ang “Siya,” “Kanya,” at “Niya” ay mga panghalip na tumutukoy sa Diyos at ang “siya,” “kanya,” at “niya” naman ay panghalip na tumutukoy sa iba pang tao.  Bunga ng desisyong ito ay ang paggamit na rin ng malalaking titik para sa ibang panghalip panao na patungkol sa Diyos gaya ng “Mo,” “Ko” at “Ako.”

            Italiko.  Ginamit ni Suzanne Noffke ang Italiko upang magsilbing transitional device ng nagaganap na dialogo sa pagitan ng Diyos Ama at ng kaluluwa, na si Santa Catalina mismo.  Sa tuwing parte na ng Diyos Ama na tumugon ay bibigyang signal ito ng mga talatang nasa Italiko, paglaon na lamang ng tugon at saka babalik sa ordinaryong anyo ng letra.  Lilitaw uli ang Italiko kapag ang mangungusap naman ay ang kaluluwa na.  Sinundan ng tagasaling ito ang sinimulan ni Noffke sapagkat biswal na tulong ito sa mambabasa.

            Ang mga talababa sa tekstong isinalin.  Piniling isama sa pagsasaling ito ang mga talababa ni Noffke sa kanyang pagsasalin sa wikang Ingles ng Dialogo dahil maaaring makatulong ang mga talababa sa mga mambabasa ng kasalukuyang gawain.

Kasama sa mga tinukoy ng mga talababa ang (1) mga liham ni Santa Catalina (2) mga sanggunian buhat sa bibliya, bukod pa sa (3) ilang dinaglat na pangalan na tumutukoy sa iba pang bersyon ng Dialogo na nasusulat sa Italyano.[29]

Pagwawakas

Hindi naging madali ang gawaing ito.  Sa katunayan ay inabot ng higit sa dalawang taon ang pagtapos sa pagsasalin dahil na rin sa haba ng buong aklat ni Santa Catalina ng Siena at ng pagiging kumplikado ng naturang proseso.  Magkagayon man, nagpursigi pa rin na makatapos ang manunulat na ito dahil kumbinsido siya na napapanahon ang pagpapakilala nang higit na malalim sa buhay, diwa, mga aral at turo ng birhen ng Siena sa mga Filipino gamit ang sarili nilang wika.  Mga laiko ang pangunahing pinaglalaanan ng gawaing ito subalit sinuman ay maaaring matuto at makakuha ng kapanatagan at kasiyahan sa pakikipagtagpo kay Santa Catalina at sa kanyang bukod tanging pag-ibig sa Diyos, kay Hesukristong ipinako sa krus lalo na, na ipinamalas niya sa bukod tanging paraan–dito sa Dialogo.

May mga kahinaan ang kasalukuyang gawain dala na rin ng mga kakulangan sa kakayahan ng tagasalin.  Sa kabila ng maraming pagsasaalang-alang na ginawa sa buong proseso ng gawaing ito–mga pagsasaalang-alang na natural lamang na pagdaanan dala na rin ng kalikasán ng proseso ng pagsasalin–ay uulitin pa rin ng tagasaling ito ang sinabi ni Suzanne Noffke sa wakas ng kanyang pambungad para sa pagsasalin niya ng Il Dialogo: “Hindi ganap na ‘mapagagaan’ ang istilo ng Dialogo nang hindi sinisira ito.”[30] Kaya nga, tulad ni Sis. Noffke, magpapasintabi ang tagasaling ito sa naging resulta ng kanyang pagpapagal kung ang istilo nito ay sadya pa ring nakapapagod lalo na kung susubukan itong basahin nang mabilisan o sa malalaking bahagi nito. 

Magbibilin na lamang siya na tulad ng pagkain sa pandesal ay hindi nararapat na isumpak nang buong-buo sa bibig ng isipan at puso ang aklat na ito; kung hindi ay mamumuwalan ang isang tao.  Una ay kinakailangan munang naghahangad din sa katotohanan ng Diyos ang mambabasa; at ikalawa ay kinakailangang unti-untiin niya ang pakikisalo sa Dialogo sa pagitan ng Diyos at ng isang kaluluwa.  At kung sa wakas ay magabayan ng pagtatangkang ito ang isang mananampalataya tungo sa mas matiim pang pagkilala kay Santa Catalina ng Siena sa anumang lengguwahe siya mababasa ay masaya na ang kasalukuyang tagasalin na nakagawa siya ng isang bagay na mainam.  Ngunit mas lubos ang kanyang kasiyahan kung umakay ang gawaing ito sa mas masinsin pang pag-unawa at pagsasabuhay ng ating katangi-tanging pananampalataya sa natatangi ring Pilipinong paraan.

SANGGUNIAN

Mga Aklat

Almario, Virgilio S. et al. Patnubay sa Pagsasalin. Manila: Pambansang Komisyon ng Kultura at Sining, 1996.

Ang Pangako: Magandang Balita Biblia: May Deuterocanonico:  Tagalog Popular Version. Manila: Philippine Bible Society, 1980.

Bacani, Bishop Teodoro. The Filipino Laity: Called to be Holy. Manila: Publisher Unknown, 1988.

Catherine of Siena. I, Catherine: Selected Writings of St. Catherine of Siena. Edited and Translated by Kenelm Foster, O.P. and Mary John Ronayne, O.P.. London: Collins Sons and Company, 1980.

__________. Medieval and Rennaisance Texts and Studies. Volume 202. The Letters of Catherine of Siena.  Volume 1.  Translated with Introduction and Notes by Suzanne Noffke, O.P.. Arizona: Arizona Center for Medieval and Renaissance Studies, 2000. 

__________. The Dialogue of the Seraphic Virgin Catherine of Siena: A New and Abridged Edition. Translated by Thorold, Algar. Westminster, Md.: The Newman Press, 1950.

__________. The Dialogue. Translation and Introduction by Suzanne Noffke, O.P.. New York: Paulist Press, 1980.

CBCP.  Katesismo Para sa mga Pilipinong Katoliko. Manila: Word and Life Publications, 2000.

Dulles, Avery. “Faith and Revelation.”  In Systematic Theology: Roman Catholic Perspectives, vol. 1, ed. Francis Schussler Fiorenza and John P. Galvin, 89-128.  Minneapolis: Fortress Press, 1991.

Ellsberg, Robert.  All Saints: Daily Reflections On Saints, Prophets, and Witnesses For Our Time.  New York: The Crossroad Publishing Company, 2001.

Fatula, Mary Ann, O.P.. Catherine of Siena’s Way.  Delaware: Michael Glazier, 1987.

Hilkert, Mary Catherine. Speaking With Authority: Catherine of Siena and the Voices of Women Today: 2001 Madeleva Lecture in Spirituality.  New Jersey: Paulist Press, 2001.

McClory, Robert. Faithful Dissenters: Stories of Men and Women Who Loved and Changed The Church.  New York: Orbis Books, 2000.

McGinn, Bernard. The Doctors of the Church: Thirty-three Men and Women who Shaped Christianity. New York: The Crossroad Publishing Company, 1999.

Miranda, Dionisio, M., S.V.D.. Pagkamakatao: Reflections on the Theological Virtues in Philippine Context. Manila: Divine Word Publications, 1987.

New Catholic Encyclopedia, The. 1967 ed. Vol. 4. “Doctor of the Church,” ni B. Forshaw.

New Cathloic Encyclopedia, The. 2003 2nd ed. Vol. 4. “Doctor of the Church,” ni B. Forshaw kasama ang mga Patnugot.

Santos, Benilda, ed. Likha. Manila: Office of Research and Publication, Ateneo de Manila University, 1988.

Therese of Liseux. Doctor of the Universal Church. Manila: Millenium Foundation, Inc., 2000.

Mga Journals

Ashley, Benedict, O.P.. “Guide to Saint Catherine’s Dialogue,” Cross and Crown 29, no. 3 (September 1977): 237-249.

_________. “St. Catherine of Siena’s Principles of Spiritual Direction,” Spirituality Today 33, (March 1981): 43-52.

Calvert, Roland. “The Easter Faith of Catherine of Siena,” Review for Religious 59, no.2 (March-April 2000): 180-187.

Congregation for the Doctrine of the Faith. “On the Role of Women.” The Tablet (7 August 2004): 30-33.

Fatula, Mary Ann. “The Holy Spirit Hidden in the Experience of Human Weakness,” Spirituality Today 36, (Summer 1984): 109-122.

Foster, Kenelm, O.P.. “St. Catherine’s Teaching on Christ,” Life of the Spirit 16, no. 186 (January 1962): 310-323.

Giallanza, Joel, C.S.C.. “’How Few Mad People There are Now’: Thoughts of Teresa and Catherine,” Spiritual Life 148, no. 1 (Spring 2002): 20-30.

John Paul II. “Three Models of Holiness: Europe’s New Co-Patronesses,” The Pope Speaks 45, (May-June 2000): 129-136.

McNamara, Fr. William, O.C.D. “A Model for the Twentieth Century: Catherine of Siena,” Sisters Today 52, (December 1980): 195-199.

McGinn, Bernard. “Catherine of Siena: Apostle of the Blood of Christ,” Theology Digest 48, no. 4 (Winter 2001): 329-342.

Noffke, Suzanne. “Catherine of Siena and Ecclesial Obedience,” Spirituality Today 41, (1989): 4-17.

O’Driscoll, Mary. “Catherine the Theologian,” Spirituality Today 40, (September 1988): 4-17.

Paul VI. “Teresa of Avila: The Message of Prayer.” The Pope Speaks 15 (1970): 218-222.

__________. “Catherine of Siena: The Gift of Wisdom.” The Pope Speaks, 15 (1970): 196-202.

Mga Pahayagan

John Paul II. “Apostolic Letter on the Sixth Centenary of the Death of Catherine of Siena,” L’Osservatore Romano (Rome), 14 July 1980, Weekly Edition in English, 10.

__________. “’Let Us not Forget the Great Works of God,’” L’Osservatore Romano (Rome), 22 September 1980, Weekly Edition in English, 1.

__________. “Liveliness and Relevance of St. Catherine’s Teaching,” L’Osservatore Romano (Rome), 6 October 1980, Weekly Edition in English, 10.

__________. “Richness of Humanity Perfected by Grace,” L’Osservatore Romano (Rome), 23 June 1980, Weekly Edition in English, 7.


[1] Catherine of Siena, The Dialogue, isinalin ni Suzanne Noffke, O.P. (New York: Paulist Press, 1980), mula sa edisyon ni Giuliana Cavallini na ibinatay sa MS 292 ng Biblioteca Casanatense sa Roma, na isang manuskrito na maaring naisulat ni Barduccio Canigiani, isa sa tatlong kalihim na nagsulat sa orihinal na pagdidikta ni Santa Catalina.

[2] John Paul II, “Divini Amoris Scientia: Apostolic Letter: St. Therese, Doctor of the Church,” sa Therese of Lisieux: Doctor of the Universal Church (Manila: Millenium Saint Foundation, 2000), 31. 

[3] Pumanaw si Santa Teresita ng Lisieux noong ika-30 ng Septiembre, 1897, isandaang taon bago siya iproklamang Pantas ng Iglesya.

[4] New Catholic Encyclopedia, 2003 ed., s.v. “Doctor of the Church,” ni B. Forshaw kasama ang mga editor.

[5] Bernard McGinn, The Doctors of the Church: Thirty-three Men and Women Who Shaped Christianity (New York: Crossroad Publishing Co., 1999), xii.

[6] “.  .  . it would seem that no woman is likely to be named [Doctor of the Church] because of the link between this title and the teaching office, which is limited to males.” (New Catholic Encyclopedia, 1967 ed., s.v. “Doctor of the Church,” ni B. Forshaw at ang puna ukol dito ni Bernard McGinn na nasa The Doctors of the Church, xii. Pagsasalin ng may-akda.)

[7] Ibid., 3.

[8] Ibid.

[9] Ibid.

[10] Tingnan halimbawa ang aklat ni Bishop Teodoro C. Bacani ang The Filipino Laity: Called to be Holy (Manila: pribadong paglilimbag, 1988).

[11] Tingnan bilang halimbawa ang liham sa mga Obispo ng Iglesya Katolika ng Kongregasyon para sa Doktrina ukol sa Pananampalataya tungkol sa kolaborasyon ng mga lalaki at babae sa Iglesya at sa mundo na nasa “On the Role of Women,” Tablet, 7 August 2004, 30-33.

[12] Isang mainam na babasahin ang pagtalakay ni Robert McClory ukol kay Santa Catalina ng Siena sa Faithful Dissenters: Stories of Men and Women who Loved and Changed the Church (New York: Orbis Books, 2000), 78-89.

[13] Ibid., 19.

[14] Ibid., 21-36.

[15] Para sa kumpletong listahan ng mga sinangguning akda, tingnan ang Sanggunian ng gawaing ito.

[16] Tingnan ang dami ng uri ng mga taong nakapanayam ni Santa Catalina sa kanyang mga liham na nasa  Catherine of Siena, The Letters of Catherine of Siena, tomo 1 at 2. 

[17] Ibid., 73-79.

[18] Noffke, Introduction to The Dialogue, 21.

[19] Almario at mga kasama, Patnubay sa Pagsasalin, 115-16.

[20] Halimbawa ng paggamit nito ay ang nasa artikulo ni Prospero Covar sa Benilda Santos, ed., Likha (Manila: Office of Research and Publication, Ateneo de Manila University, 1988), 57-58.

[21] Miranda, Dionisio M., S.V.D. Pagkamakatao: Reflections on the Theological Virtues in the Philippine Context (Manila: Divine Word Publications, 1987), 1-15.

[22] Ito ang pagsasalin ng salitang virtue sa CBCP, Katesismo Para sa mga Pilipinong Kristiyano (Manila: Word and Life Publications, 2000), 822.

[23] Nasa pahina 39-40 ng sanaysay na ito ang pagpapaliwanag dito.

[24] “Virtues . . . stable dispositions of the human spirit oriented toward good acts . . . ” (Avery Dulles, “Faith and Revelation,” sa Systematic Theology: Roman Catholic Perspectives, tomo 1, ed. Francis Schussler Fiorenza at John P. Galvin (Minneapolis: Fortress Press, 1991), 105. Pagsasalin ng may-akda.)

[25] Ipinaliwanag pa ni Noffke ang kanyang naging desisyon sa Introduction to The Dialogue, 26. Ika-4 na talababa.)

[26] Ibid., 22.

[27] Ang ginamit na edisyon dito ay Ang Pangako: Magandang Balita Biblia: Tagalog Popular Version (Manila: Philippine Bible Society, 1980).

[28] Tingnan ang ika-2 na talababa ni Suzanne Noffke sa Catherine of Siena, The Dialogue, isinalin ni Suzanne Noffke, O.P., 25.

[29]  Ibid., 20.

[30] (Ibid., 22. Pagsasalin ng may-akda.)