Ang Mga Kriminal ni Romulo Sandoval

Naririto sila,

kasahan ng titig mula ulo hanggang paa.

Bumbunan ay helmet,

mga mata’y bala ng kanyon—

bola ng dolyar at piso—

kanila ang bungangang bihasang pumakakak

na bulak ang uwak

at uling ang tagak.

Sa bawat daliring punlo ang kuko,

tantuing pawis nati’t luha

ang ipinanghihinaw at ipinampapabango.

Damit nila ay hinabi

sa mga himaymay ng gutay na laman,

at kimpalkimpal na dugo

ang insinya’t burdang nakabudbod sa kwelyo at manggas,

lama’t dugo ng laksang anakpawis at kapanalig

na kanilang bineberdugo.

Gulong ng tanke ang ikinukubli ng suot nilang sapatos

na pinakintab sa mga butong pinulbos.

Sila ang kriminal,

Sila ang kriminal at di kailanman

Ang libong katawa’t hiningang ipinipiit nila’t pinupugto.

Naririto sila,

kasahan ng titig mula ulo hanggang paa.

Ilatag ang mga halimaw, ipaskil

sa lahat ng dingding, haligi, bubong at sahig

ng utak nati’t puso:

ilatag at ipaskil saanman

at kulapulan man ng mga kalburong galamay ng mga kriminal

ay huwag na huwag ipakatkay sa panahon

Ihaginit ang ating mga bibig:

sa mga opyo nilang balita,

puwit-basong proyekto ay itudla.

Bistayin ng sumpa ang kanilang bastyon.

Hayaang dugo’y sumulak

aa ating mga ugat,

maggubat sa apoy

ang ating mga bungo’t dibdib.

Ihabagat ang angaw nating braso, paalimbukayin, idaluyong—

angaw na brasong sa karampot na kriminal

ay magbubuwal, tatabon, lulunod.

Mayo 1977