Akala Ko Di Kami Mananalo (Uli!) – Pagninilay sa Patimpalak: Isang Yugtong Dula 2011-12

May mga pangyayari sa buhay ng tao na tunay na sosorpresa at gugulat sa iyo.  Dalawa roon ang hiwaga ng sining ng teatro, ang dulang pantanghalan, pati na rin ang hiwaga ng pagkakaisa ng isang klase–ang isang grupo ng mga mag-aaral na may iba’t ibang personalidad, hilig, prioridad, konteksto, at siyempre, pag-iisip.

Limang taon na akong nagtuturo ng Filipino sa H4 ng Xavier.  Sa bawat taong ito, palagi nang bahagi ang pagbuo ng dula ng mga seksyon sa ikaapat na taon.  Bahagi iyon ng curriculum ng Kagawaran ng Filipino.  Sa apat sa limang taong ito, nagkaroon ng kumpetisyon, ng patimpalak para husgahan, hukuman, o kaya litisin ang mga dulang nabuo ng mga klase.  Isang yugtong dula lang naman.  Mga One-act plays.  Pero hindi basta-basta ang paligsahang iyon; ibinubuhos ng mga mag-aaral ang lahat ng kanilang kakayanan, indibidwal, pangkat, at klase upang makamit (bring home) ang pinakamarami sa mga “pinakamahusay na…” (the bacon).  Hindi rin naman basta-basta ang mga “tagapaglitis”.  Hindi sila pupuwedeng basta-bastahin dahil nabibilang sila sa propesyunal na larangan at sining ng teatro sa Pilipinas.

ANG SIMULA.  Nagsisimula ang patimpalak sa pagsusulat ng iskrip ng dula.  Nagmumula naman ang iskrip sa pagbuo ng storylines ng mga mag-aaral.  Mag-iisip muna ang bawat isang estudyante ng ipanunukala nilang mabuting kuwento na sa palagay nila ay maaaring gawing dula.  Kapag naaprubahan na iyon ng guro (ang pamantayan ay orihinalidad, potensyal, kaugnayan sa tema, at iba pa na nakabatay sa pagkiling ng guro), gagawa na ang bawat isang mag-aaral ng iskrip nila.  Dahil isang yugtong dula nga ang gagawin, kinakailangan na gabayan ang mga mag-aaral para higit nilang magawang masinsin ang kanilang dula.  Karanasan ko na parang epiko o kaya nobela ang gustong gawin ng ibang mag-aaral!  Umaatikabong pagpapaliwanag ang kinakailangan mong gawin.  Hindi sila basta-basta patatalo! Kung sabagay, sino nga naman ang gustong patalo sa pinag-isipan mo nang husto at likha ng iyong imahinasyon?

Kapag meron nang mga iskrip o kahit potensyal lang muna, hahatiin na ang klase sa mga pangkat.  Depende sa laki ng klase kung tatlo o apat na pangkat ang bubuoin. Nasa guro na ang kalayaan na magdesisyon kung ano ang kanyang magiging pamantayan.  Ang sa akin ay tukuyin kung sino-sino ang lider ng klase, payagan silang isa-isang mamili ng dalawa at tatlo nilang gusto kasama.  Samantala, ang mga natira ay binibigyan ko ng pagkakataon na mamili kung aling grupo ang kanilang gustong samahan.

Ang susunod na hakbang ay ang pagpili ng istorya at iskrip (o muli, ang potensyal nito) na itatanghal ng grupo.  Mauupo sila at bawat isa ay “ibebenta” ang kanyang ideya sa kapwa niya miyembro.  Kapag may napili na, pag-uusapan nila kung paano ito mabuting maipalabas.  Magtatalaga na sila ng mga aktor, direktor, mga pinuno ng miyembro ng produksyon at teknikal na aspekto ng dula.  Pagkatapos ng lahat ng ito ay trabaho na!  Mga dalawang linggo pag-eensayo sa iba’at venue lang naman.  Mula sa mga corridors hanggang sa Lecture Hall kung saan gaganapin ang paligsahan.  Mula sa kainitan ng araw hanggang sa lamig ng aircon.  Sa lahat ng ito, paikot-ikot ang guro; pinupuntahan, pinakikinggan, inoobserbahan, pinupuna, pinaaalalahanan, pinagmamadali, tinutulungan, ginagabayan, binibigyan ng lakas ng loob, hinahamon, ang bawat grupo at ang bawat mag-aaral. Lahat ginagawa sa espiritu ng magis at cura personalis.

PANGKATANG PAGTATANGHAL.  Hindi mapapansin ang pagdating ng araw na ito–ang araw ng unang paghuhukom kaya kailangang laging paalalahanan ang mga pangkat.  Maglalaan ng dalawa o tatlong araw ang klase para maipamalas ang kanilang nagawa.  Maaaring mag-anyaya ang guro ng ibang kapwa niya guro upang manood at magbigay ng puna sa ginawa ng klase.  Magbibigay din ang guro ng sarili niyang mga pananaw.  Pagkatapos nito, mamimili na ang klase ng dulang kanilang ipanlalaban.  Ito ang dulang kanilang aayusin, babaklasin kung kinakailangan, at pagtutulungang buuin muli at repasuhin bilang isang klase.  Maaari nang palitan ang mga aktor, pagplanuhang muli ang teknikal at pamproduksyong aspekto, lagyan ito ng mga dagdag na tao, at kung kinakailangan, magtalaga ng bagong direktor. Pag-iisipan na rin ng mga mag-aaral kung paano nila gugugulin ang nalalabi nilang panahon na hindi hihigit sa isa’t kalahating linggo na lamang bago ang patimpalak.

KUMPETISYON. Maraming kailangang ihanda ang mga guro para sa araw na ito tulad ng paghahanap ng mga hurado, pakikipagpalitan ng oras sa ibang guro, at paghahanda ng venue at mga kinakailangang gamit sa isang kontest. Dagdag ang mga iyon sa kanilang regular na ginagawang paggabay sa loob ng klase.  Pero ang mga mag-aaral, marami ring inihahanda.  Marami sa kanila, unang beses itong sumulat ng, bumuo ng, magdisenyo ng, at umarte sa dula.  Marami rin sa kanila ang sa unang pagkakataon sa kanilang batang buhay ay tutuntong sa entablado upang panooring magtanghal ng maraming tao.  Nakakatakot, nakakanerbiyos, subalit nakapananabik.

Partikular sa patimpalak ng Xavier ang pangangailangang manood ng mga mag-aaral ng pagtatanghal ng ibang seksyon.  Bahagi ng kaalaman ukol sa sining ng dula ang kakayanang ilarawan, suriin, pati na rin husgahan ang isang dula sa pinakaobhektibong paraan.  Dahil dito, makalalabas lamang ang klase mula sa bulwagan isang pagtatanghal bago ang kanilang mismong palabas.  Bago nito, kinakailangan nilang tipunin sa ligtas na lugar ang kanilang props, magsuot ng costume, mag-meyk up (wala ngayong taong ito!), to get into character, do sound check and light check, at mag-last minute rehearsals.  At meron pa silang iba pang klase sa loob ng araw na iyon.

Kung tutuusin, kulang ang panahon.  Pero kailangan nga ba sapat na ang panahon?  “The show must go on,” sabi ng nila.  And the show was on!  Ang pinag-isipan, pinagplanuhan, pinangarap, pinag-ensayuhan, pinagtalunan, at pinagsumikapang bunuin at buoin ng mga mag-aaral ay mauuwi sa 20 minutong paghahanda ng prop at set, mismong pagtatanghal, pagbaklas ng set, at paglilinis ng entablado bilang paggalang sa susunod na grupo at kalabang magtatanghal.

Dito. Doon sa dalawampung minutong iyon nagaganap ang hiwaga ng dula at ang misteryo ng pagkakaisa ng klase.

(hindi pa ito tapos)

About julesphilip
a teacher who is still in the process of discerning whether he'll stay in this way of life, answer a lifelong call to become a diocesan priest, or take on the responsibility of being a steward of his parents' legacy. may his experiences assist him in making a decision for the greater love for God.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: